Hello, Blog. Sorry ikaw na naman ang kausap ko. Okay na yun dahil hindi ko kailangang umasa na magiging interesado ka sa kung ano mang gusto kong sabihin. Wala ka kasing magagawa eh, kailangan mong i-post mga sasabihin ko.
Minsan kailangan lang ng tao ng kausap, di ba? Ang mahirap sa akin, mapili ako sa kausap. Nakakalungkot dahil yung mga inaasahan mong makinig--o kahit hindi makinig... kahit tumabi lang sayo kung kailan mo sila kailangan ay wala sa tabi mo. Hindi ko naman sila masisisi dahil baka hindi talaga interesante ang pinagsasasabi ko at boring talaga ang presence ko. Pero okay lang, kasi nakakapagod din umasa, tsaka nasanay na ako mag-isa ng ganitong oras, kinakausap ang mga blog ko, dahil blog ko lang ang kayang sumabay sa oras at isip ko.
(Konti lang ang may kaya. Si Riva. Nasaan ka Riva? Miss na kita. Magcocommute ka pa galing Cainta para lang magkita tayo. Big deal sa akin yon. Magbbirthday ka na pala. Edi mag-iisang taon na pala yung Xanga blog ko. Kasi naalala ko ginawa ko yun pagtapos natin mag-usap sa phone nung birthday mo, diba?)
Ano na bang gagawin ko? Ang lalim yata nito para sa blog. Pang diary ko lang yata ito. Oo may diary ako. Madami. Bawat stage ng buhay ko may sariling notebook. Anyway, pang diary yata itong ginagawa ko dahil masyadong personal at madrama, pero tinatamad akong kunin yung ballpen at yung diary ko. Eh wala naman bumabasa nito, di ba? Baka bukas idelete ko din 'to pag bumalik na ako sa sarili ko at nakita ko kung gaano ka walang kwenta ang ginawa kong entry na 'to.
Ganito kasi ako eh. Nagtatransform ako pag ganitong oras. Nag-iiba ang anyo ko. Meron akong personality sa araw, at meron din kapag ganitong oras. Minsan sa tingin ko ito talaga ang totoo kong kulay, kasi hindi ko kailangang magkunwari kung kanino man tulad ng ginagawa ko kapag araw. Inaamin kong may oras na nagkukunwari ako para pagtakpan ang totoo kong kulay na wala naman talagang kulay. Hindi naman sa lahat, dahil may mga taong nakakasundo ko naman ng hindi nagkukunwari o nagsusuot ng kung anumang maskara. O baka lahat kayo magduda na ha akala niyo nagkukunwari ako sa inyo. Madali naman malaman kung nagkukunwari ang isang tao eh.
Parang gusto ko nalang ulit itulog ito, at baka makagawa pa ako ng di-kanaisnais na bagay dahil frustrated na naman ako. Sayang naubos na yata nila mommy yung beer. Pero ayaw ko na pala ng beer. Hindi na ulit kinakaya ng sikmura ko lalo na kung sinabayan ng yosi. Hindi ko alam kung paano nasasanay ang tao sa ganon. Occasional lang ang bisyo ko eh, as in minsan ko lang kinakaya. Mabilis ako masuka (sorry, too much information ba?) at sumasakit ang katawan ko kapag umiinom ako ng alcohol. Kapag yosi naman nahihilo ako, tapos nanginginig, yung parang epekto ng kape kapag nasobrahan, tapos sumasama din ang sikmura ko. Ang pangit ng lasa. Kaya wag kayong mag-alala, kahit matripan kong magkaron ng bisyo ay hindi rin ako tatagal. Pero yun nga. Minsan gusto mo lang magrebelde kahit sandali. Maling pag-iisip, pero sa akin gumagana. Minsan kailangan kong layuan ang tama para malaman na iyon talaga ang dapat para sa akin, tapos sa huli ay yung tama rin ang babalikan ko. Hindi ako nagrerebelde para mawala sa sarili pero para mahanap at mabalikan ito.
Sabi sa Dead Poets Society, kailangan tingnan mo ang isang bagay sa iba't ibang pananaw. Tama yon. Kasi dumadating ang panahon na gawa nalang ako ng gawa at hindi ko alam kung bakit ko pa tinutuloy. Minsan kailangan kong layuan para balikan ulit. Parang retreat nung High School. Yun daw yung purpose nun eh, para ilayo ka sa buhay mo sandali para makita mo yung buhay mo sa ibang perspektibo at magmunimuni. Tapos babalik ka sa buhay mo at minsan alam mo na kung ano ang gagawin mo. Kailangan ko yata magretreat.
Anyway, kung binabasa mo pa rin hanggang dito ay salamat, dahil kahit papaano ay may paki ka sakin at sa kung ano mang mga sinasabi ko... kahit maliliit na bagay lang ang mga sinasabi ko, kasi sa maliliit na bagay at salita naman talaga sumasakongkreto ang persona, sabi nga sa Philo. Kaya oo, posible na kung binabalewala mo lang ang maliliit na bagay, detalye, at salita ng tao ay nawawala rin ang esensya niya sayo at--ito sasabihin ko na sa Ingles kasi hindi ko alam ang Filipino--you are missing out on the simple but essential things. Hindi ba, Blog? I'm talking to no one in particular, ok?
Okay yun lang.
Good night!